Namahagi ng tulong-pinansyal ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila ngayong araw, ika-20 ng Setyembre sa Manila City Hall para sa mga nasunugang pamilya nito.

Pinangunahan nila Mayor Maria Sheilah ‘Honey’ Lacuna-Pangan at Vice Mayor John Marvin ‘Yul’ Servo Nieto ang pamamahagi ng tulong sa Tanggapan ng Punong Lungsod sa Manila City Hall.

Sa kanyang talumpati ay muling pinaalala ni Lacuna na ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila ay kaisa ng bawat ManileƱo na handang tumulong sa ano mang pagsubok.

“Andidito po ang inyong pamahalaan, hindi ho kayo pababayaan. Narito po kami upang magbigay man lang sa inyo ng konting pwede niyong gamitin para makapagsimula man kayo ulit, na makapagpatayo ng inyong mga tahanan,” ani ni Lacuna.

Humigit-kumulang 489 na pamilya ang nabigyan ng tulong pinansyal ngayong araw, kung saan sampung libong piso at food packs ang tinanggap ng bawat pamilya. Ang kabuuang bilang na ito ay mula sa datos ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) ng mga nasunugang pamilya mula Hunyo ng kasalukuyang taon.

Samantala, hinikayat naman ni Vice Mayor Nieto na muling bumangon ang mga kababayang nasunugan sa kabila ng kanilang pinagdaanan.

“Hindi natatapos ang buhay ‘dun. Habang may buhay, may pag-asa. At hindi naman tayo bibigyan ng Panginoon ng problema o pagsubok na hindi natin kakayanin,” ani ni Nieto.

Sa kanyang pagtatapos ay iminungkahi ng Punong Lungsod na patuloy na mag-ingat ang bawat isa upang maiwasan ang anumang sunog o kalamidad, at sa panahong mangyari ito ay kaagapay ng bawat isa ang kanilang lokal na pamahalaan.

“Ibayong pag-iingat lamang po. Sana po sa mga susunod na araw ‘wag na po kayo ulit maging biktima ng kahit anuman pong sunog o kalamidad. Pero kung mangyayari man ito, asahan po ninyo lagi po kaming nakaagapay po sa inyo,” dagdag ni Lacuna.

(Photos by K R De Asis/MPIO)