NEWS ALERT: Libreng quarantine sa Maynila, tulong ni Yorme sa OFW returnees

Inalay ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang Manila COVID-19 Field Hospital para sa humigit kumulang na 100 nagbabalik bansa na Overseas Filipino Workers (OFWs) na positibo sa sakit na COVID-19.

Personal na sinalubong ni Punong Lungsod Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ngayong Biyernes, ika-31 ng Disyembre, ang 104 OFWs mula sa iba’t ibang bansa na siyang binansagang niyang mga bagong bayani.

Ayon kay Domagoso, ito ay ang simpleng pagtanaw ng utang na loob para sa mga OFWs na siyang nagbibigay ng malaking tulong para sa ekonomiya hindi lamang sa Lungsod ng Maynila kung hindi maging sa buong bansa.

“Ito ay ang aming pagpapasalamat sa inyo. Alam ko mahirap maging OFW, of all the things and challenges of being an OFW, tapos there is a threat and stress on your job,” ani Domagoso.

“Kahit dito man lang masuklian namin ng pagmamalasakit dito sa Maynila na kayo welcome. We will do our best to make you comfortable as much as possible,” dagdag niya.

Kasama ni Domagoso sina Department of Health Secretary Francisco Duque III, Chief Implementer Sec. Carlito Galvez Jr, Bureau of Quarantine Director Dr. Obet Salvador, at Taguig Mayor Lino Cayetano sa nasabing pagsalubong.

Sinigurado naman ni Domagoso ang mga pamilya ng OFWs na ang kanilang mga mahal sa buhay ay nasa mabuting kamay ni Dr. Arlene Dominguez na siyang pinuno ng Manila COVID-19 Field Hospital.

Ang Manila COVID-19 Field Hospital ay may 344 na bed capacity at may mga libreng serbisyo hatid sa mga pasyente katulad ng X-ray, oxygen tanks, mga gamot, pagkain, wifi, at aircon.

“Mararamdaman ngayon ng mga OFW na mahal kami ng bansa namin, mahal kami ng gobyerno namin,” ani Domagoso.

Matatandaan na libreng binakunahan rin ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang humigit kumulang na 20,000 na OFWs ngayong taon upang tulungan silang makalipad sa ibang bansa para sa kani-kanilang mga trabaho.