ALERTO NG BALITA: Maynila sinimulan na ang pagtatayo ng San Lazaro Residences

Pormal nang sinimulan ang pagtatayo ng ika-apat na pampublikong pabahay ng Lungsod ng Maynila ngayong Lunes, ika-9 ng Agosto.

Pinangunahan ito Punong Lungsod Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso, kasama sina Punong Inhinyero Armand Andres, Punong Ariktekto Ely Balmoris, at Direktor ng Pampublikong Kalusugan Malou Santos.

Ayon kay Domagoso, nagsilbing pagsasatupad ng pangako ng Pamahalaang Lungsod ang naganap na paghuhulog ng panulukang bato (groundbreaking ceremony) sa San Lazaro.

“Habang kinakaharap natin pare-pareho ang pandemya, yung pangarap nating sa Lungosd ng Maynila at pangarap natin para sa mga taga-Maynila, kailangan matuloy. Ngayong araw na ito, ilang buwan smula ngayon, 382 families ang magbabago ang buhay,” ani Domagoso.

“Disenteng masisilungan, mauuwian, maibabalik natin ang dignidad ng pamiyang manilenyo hanggat kaya natin hindi tayo titigil. Who would thought na pwede pala, kaya pala. So pagtayo nagtulng tulong at nagsama sama, nakaisa, may tutunguhan pala ang bangka natin,” dagdag niya.

Ang itatayong San Lazaro Residences ay isa sa mga bagong pampublikong pabahay na inanunsyo ni Domagoso sa kanyang ikatlong “State of the City Address” noong Hulyo.

Ang proyekto ay magkakaroon ng mga sumusunod:
—382 na unit
—132 na parking slot
—Manila Public Health Laboratory
—Isang Health Center
—limang elevator para sa mga residential unit
—Isang elevator para sa Manila Public Health Laboratory
—Swimming pool
—Activity lawn
—Function room
—Roof garden at roof deck
—Tatlong rentable space
—Mga outdoor activity area sa 19th floor
—Mga activity area sa 6th hanggang 18th floor

“Dito sa in-city vertical housing program ng lungsod, wala ng magiging iskwater, may kapanatagan na ang mga pamilyang nagbenepisyo at magbebenepisyo habangbuhay,” ani Domagoso.

“Umaasa ako sa inyo na kayo ay patuloy na makikisa sa layunin ng ating pamahalaan na itaas ang antas ng pamumuhay ng bawat Batang Maynila dito sa Lungsod ng Maynila,” sinabi niya.