ALERTO NG BALITA: Maynila sinimulan ang pagtatayo ng modernisadong paaralan sa Sampaloc

Pormal nang sinimulan ang pagtatayo ng bagong Mababang Paaralan ng Dr. Alejandro Albert sa Sampaloc, Maynila ngayong Lunes, ika-2 ng Agosto.

Pinangunahan nina Punong Lungsod Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso at Pangalawang Punong Lungsod Ma. Sheilah ‘Honey’ Lacuna Pangan ang seremonya ng paghuhulog ng panulukang bato kaninang umaga.

Ito ay huli sa tatlong nakatakdang itayo na modernisadong paaralan, kasunod ng mga seremonyang naganap sa Mababang Paaralan ng Rosauro Almario sa Tondo at Mataas na Paaralang Pang-agham ng Maynila.

“Ito ang pangako namin sa lahat ng Batang Maynila sa pagpapaunlad ng ating mga pasilidad sa mga pampublikong paaralan,” sinabi ni Domagoso sa isang panayam sa mga mamamahayag.

“Building this school is our way of strengthening the public school system in the city and at the same time addressing the problem of teacher-student ratio,” dagdag niya.

Nakaplanong magtayo rito ng 234 silid-aralan, 16 opisina, isang silid-aklatan, isang kantina, isang awditoryum, isang gym, isang ‘roof deck’ para sa pag-ensayo at palakasan, dalawang ‘basketball court,’ sampung ‘elevator unit’ na kasya ang 24 tao bawat isa, at pitong hagdan.

Humigit kumulang P2 bilyon ang inilaan na badyet para sa pagtatayo ng makabagong mababa na paaralan.

Ayon sa Punong Lungsod, nananatiling prayoridad ng pamahalaang lungsod ang pagpapatibay at pagpapalakas ng sektor ng pampublikong edukasyon sa Maynila.

“Kahit na patuloy tayong sinusubok ng pandemya, hindi namin kakalimutan ang education sector. Today is a testament to you. Patuloy nating papalakasin ang ating public education system,” ani Domagoso.

“Patuloy naming sisikaping maging mainam, masinop, at episyenteng mga lingkod bayan. We will continue to address the concern of our teachers and the future generation which is our students,” dagdag niya.

(Mga Larawan: OVM)