ALERTO NG BALITA: Bakunahan sa Maynila magiging 24/7 na

Nakatakdang magsimula ang 24/7 na operasyon ng bakunahan sa Lungsod ng Maynila sa mga susunod na linggo.

Inanunsyo ni Punong Lungsod Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang planong 24/7 na bakunahan ngayong umaga sa groundbreaking ceremony sa Mababang Paaralan ng Dr. Alejandro Albert sa Sampaloc, Maynila.

Binigyang diin ng Punong Lungsod ang kahalagahan ng pagkakaroon ng proteksyon sa bawat Batang Maynila ngayong panahon ng sakuna dulot ng nakakahawang sakit na COVID-19.

“Kung sinumang lisensiyadong puwedeng magbakuna, idu-duty ko kayo sa gabi to replenish our workforce, our medical frontliners during daytime,” sinabi ni Domagoso sa mga mamamahayag.

Kaugnay nito, naghahanap ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila ng mga manggagawa sa sektor ng kalusugan na nais magboluntaryo para sa isasagawang 24/7 na bakunahan.

Ilan sa hinahanap ng Kagawaran ng Kalusugan ng Maynila at ng Tanggapan ng Punong Lungsod ay ang mga sumusunod: Doktor, Nars, Dentista, Komadrona, Medical Technologist, Parmasyutiko at iba pang mga propesyonal ng allied health programs.

Naghahanap din ng mga gradweyt ng kolehiyo o mag-aaral ng kolehiyo na maalam sa paggamit ng kompyuter para magsilbing encoder ng Kagawaran ng Kalusugan ng Maynila.

Para sa mga nagnanais na magboluntaryo, maaaring mag-text o tumawag sa 0995-106-9524 (Globe) at 0960-604-0771 (Smart).