ALERTO BALITA: Yorme Isko may ‘nutritious’ regalo para sa mga lolo at lola ng Maynila

May masustansyang regalo na handog si Punong Lungsod Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa ating mga lolo at lola ngayong nakasailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Maynila.

Inanunsyo ni Domagoso ngayong Miyerkules, ika-11 ng Agosto, na ang programang “COVID-19 Senior Supplemental Kit: Alalay sa Buhay” ay magsisimula sa Huwebes, ika-12 ng Agosto.

Inihanda na ang ayudang ito bago pa man isailalim sa ECQ ang kabisera ng bansa.

Naglalaman ang isang supplemental kit ng isang 400g ng Ensure na gatas, 100 capsules ng Ascorbic Acid na bitamina, at isang card na nagsasaad ng instruksyon paano gamitin ang mga nasabing supplemental.

“Ang nutrisyon ay importante sa akin. Maproteksyunan kayo, mabakunahan kayo, may nutrisyon kayo pandagdag laban natin sa COVID-19,” ani Domagoso.

Tinatayang nasa 150,000 senior citizens ang makatatanggap ng tulong pangkalusugan mula sa pamahalaang lungsod.

Inatasan ni Domagoso ang mga barangay chairman at mga kawani nito na agad ipamahagi sa bahay-bahay ang nasabing regalo matapos itong i-repack ng Manila Traffic and Parking Bureau, Department of Public Services, at Department of Engineering and Public Works.

“Ito ay tungkol sa kalusugan ng nanay at tatay natin at lolo’t lola natin na senior citizen. The least thing that we can do is deliver yung kakailanganin na nutrisyon, dagdag proteksyon ng ating mga lolo’t lola, nanay at tatay na senior citizen,” ani Domagoso.