TINGNAN: Tuloy-tuloy ang pagsasagawa natin ng libreng home swab testing ng Manila Health Department (MHD) sa iba’t ibang barangay upang mabigyan ng kapanatagan ang mga Manilenyo at matiyak ang kanilang kaligtasan laban sa sakit.

Bukod pa ito sa regular na libreng swab testing para sa lahat sa Sta. Ana Hospital, drive thru swab testing sa Quirino Grandstand, at free swab testing para sa mga public utility drivers, mall workers, hotel employees at market vendors sa lungsod.

Batay naman sa pinakahuling tala ng MHD kahapon, ika-3 ng Mayo ay umabot na sa 111,053 ang bilang ng libreng RT-PCR swab tests na naisagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila simula noong nakaraang taon.

Tinitiyak din ng MHD na ang lahat ng mga nag-positibo sa lungsod ay naipapadala agad sa Quarantine Facilities, kasabay nito ay natutukoy ang mga barangay na maraming kaso at nabibigyang-paalala ang mga opisyal ng barangay na ipatupad ang minimum health protocols sa kanilang komunidad.