TINGNAN: Nagpapatuloy ngayong araw, ika-21 ng Abril ang home service vaccination para sa bedridden citizens ng Lungsod ng Maynila.

Mismong si Manila City Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan ang nagturok ng bakuna sa bedridden senior citizens sa Brgy. 374, Tambunting District 3.

Inilunsad ni Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso ang home service vaccination program upang makapagbakuna ng mas marami pang mamamayan sa lungsod. Dagdag pa ng Alkalde, bahagi ito ng plano ng LGU Manila na maisama ang lahat ng residente sa pagbabakuna sa siyudad.

Kaugnay nito, inatasan ni Mayor Isko ang mga punong barangay sa Maynila na magsumite ng isang listahan ng lahat ng kanilang bedridden citizens. Nakasaad din sa naturang listahan ang mga pangalan ng mga tagapag-alaga nila, pati na rin ang kanilang mga address, contact number, at email address kung meron.

Hinikayat din ng Alklade ang mga Manilenyo na nais mabakunahan ang kanilang kaanak na bedridden na makipag-ugnayan agad sa barangay upang maisaayos ang kanilang home service vaccination schedule.