TINGNAN: Nagpapatuloy ngayong araw, ika-15 ng Abril ang pamamahagi ng tig-P4,000 na ayuda mula sa national government na inilaan para sa mga pamilyang Manilenyo na apektado ng implementasyon ng nagdaang Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Pinuntahan mismo ng mga kawani mula sa Manila Department of Social Welfare (MDSW) ang distribution areas sa anim na distrito ng lungsod. Mahigpit namang ipinatutupad ang minimum health protocols sa distribusyon.

Para sa iba pang benepisyaryo, antabayanan lamang ang pagdating ng MDSW staff sa inyong mga komunidad sa susunod pang mga araw para sa distribusyon ng ayuda sa inyong barangay.

Pinasalamatan naman ni Manila City Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang buong pwersa ng MDSW na pinangungunahan ni Director Re Fugoso gayundin ang mga kapwa niya lingkod-bayan pamahalaang nasyunal mula sa Department of Social Welfare and Development, Department of Interior and Local Government, at Department of National Defense.