TINGNAN: Muling aarangkada ngayong araw, ika-8 ng Abril ang pamimigay ng food subsidy ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila para sa 700,000 na pamilyang Manilenyo.

Paglilinaw ni Manila City Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso, iba pa ito sa ayuda na nagmula sa national government.

Ang pamamahagi ng food subsidy sa ilalim ng COVID-19 Food Security Program (FSP) ay inilunsad simula pa noong Pebrero ngayong taon upang maibsan ang gutom ng mga taga-lungsod sa gitna ng pandemya.

Magsisimula ang distribusyon sa COVID-19 FSP food box ngayong buwan sa Balut, Tondo, Distrtict 1. Bawat food box ay may laman na tatlong kilo ng bigas, 16 na piraso ng de lata, at walong sachet ng kape.

Una na ring naglaan ang LGU Manila ng P1.4 bilyon para sa naturang food subsidy na matatanggap ng lahat ng pamilyang Manilenyo hanggang Hulyo.

Giit ni Mayor Isko, hangad ng Pamahalaang Lungsod na walang magutom sa Maynila lalo na’t nananatili ang banta ng pandemya.