TINGNAN: Inilunsad ng Justice Jose Abad Santos General Hospital (JJASGH) ngayong araw, ika-23 ng Abril ang bagong Adult at Pediatric Isolation Areas ng ospital sa parking area nito.

Ang pagpapasinaya sa mga naturang pasilidad ay pinangunahan nina Vice Mayor Maria Sheilah ‘Honey’ Lacuna-Pangan, Congressman Hon. John Marvin “Yul Servo” Nieto, JJASGH Director Dr. Merle Sacdalan, Barangay 281 Chairman Jefferson Lau, at Barangay 282 Chairman Steven Yap.

Dumalo rin sa aktibidad sina Mr. Nelson Guevarra ng PG Flex Philippines at Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc., si Mr. Jaime Ching ng Ilang-Ilang restaurant, at ang Bei Shi Shuan Yun Qun organization.

“Kami po ay tunay na nagpapasalamat sa lahat ng mga tumulong upang maging matagumpay ang paglulunsad na ito. Ang paglulunsad na ito ay naglalayon na mabigyan ng sapat na espasyo ang mga pasyente ng JJASGH upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 at iba pang mga karamdaman,” pahayag ng pamunuan ng JJASGH sa isang Facebook post.

Ang bagong isolation areas ay makatutulong din upang mabigyan ng kalinga ang mas maraming pasyente ng JJASGH sa panahon ng pandemya.

(Photos from OVM)