TINGNAN: Dumating na sa Lungsod ng Maynila ang 1,000 doses ng AstraZeneca vaccines at karagdagang 3,000 doses ng Sinovac vaccines mula sa pamahalaang nasyunal.

Ito po ay sa gitna ng tuloy-tuloy na vaccination rollout ng Pamahalaang Lungsod para sa mga healthcare workers. Kaugnay nito, pinasalamatan ni Manila City Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang pamahalaang nasyunal sa paglalaan nito ng bakuna para sa mga Manileño.

Patuloy din ang paghikayat ng Alkalde sa publiko na magpabakuna dahil limitado ang suplay ng COVID-19 vaccines na darating sa bansa.

Dagdag pa niya, malaki rin ang proteksyong maibibigay nito laban sa nakamamatay na sakit. Magsisimula naman ang pagpapabakuna sa healthcare workers na senior citizens gamit ang AstraZeneca vaccines bukas, ika-9 ng Marso, sa Ospital ng Maynila Medical Center.