Batay sa pinakahuling ulat ng Manila Health Department noong March 4, umabot na sa 1,034 healthcare workers ang nabakunahan gamit ang Sinovac vaccine sa Lungsod ng Maynila.

Ito’y sa loob lamang ng tatlong araw na vaccination rollout ng lokal na pamahalaan.

Mula sa 153 individuals noong March 2, pumalo sa 346 healthcare workers o 226% ng 153 ang nabakunahan pagsapit ng sumunod na araw.

Pumalo naman sa 535 individuals ang nabigyan ng bakuna pagdating ng March 4. Ito ay 155% ng 346 na healthcare workers na nabakunahan noong March 3.

Kaugnay nito, patuloy ang paghikayat ni Manila City Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa publiko na magpabakuna dahil limitado ang suplay ng COVID-19 vaccines na darating sa bansa. Dagdag pa niya, malaki rin ang proteksyong maibibigay nito laban sa nakamamatay na sakit.

Humigit-kumulang 3,000 Sinovac vaccine vials naman ang na-turn over ng pamahlaang nasyunal sa Sta. Ana Hospital. Magagamit ito ng 1,500 na mga indibidwal.