Pinangunahan ni Mayor Isko Moreno Domagoso katuwang ang Manila Police District at mga kawani ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang inilunsad na raid sa isang pagawaan ng pekeng pera sa Sampaloc, Manila ngayong araw, ika-28 ng Disyembre.

Nakuha ng mga otoridad sa tatlong suspek ang 300 na piraso ng pekeng P1,000 bill o P300,000 na may kasamang mga pekeng passport at PWD Identification Cards. Bukod dito ay may nasabat din silang hinihinalang iligal na droga.

Giit ni Mayor Isko, mananagot sa batas ang lahat ng nasa likod ng iligal na aktibidad.

Aniya, ang mga mahihirap na mamamayan ay maaaring mabiktima ng naturang gawain kung kaya’t hindi ito dapat palampasin. Sa kasalukuyan naman ay inihahanda na ang mga ebidensya at kaso na isasampa laban sa mga suspek.