Pinuri ni Health Secretary Francisco Duque III ang mga hakbang na ipinatutupad ng lokal na pamahalaan ng Maynila para masugpo ang COVID-19 pandemic.

Inihayag ni Duque ang kanyang paghanga sa mga inisyatibo at programa ng lokal na pamahalaan sa gitna ng naganap na inspeksyon nila ni Manila City Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso at Vice Mayor Ma. Sheilah ‘Honey’ Lacuna-Pangan sa Divisoria ngayong umaga, ika-3 ng Disyembre.

Kasama rin sa naganap na inspeksyon ang mga miyembro ng Manila Police District (MPD) na pinamumunuan ni Police Brigadier General Leo Francisco.

“Ako po ay humuhanga sapagkat sinusunod po ng pamunuan ng Maynila ang lahat ng mga panuntunan, lahat po ng mga abiso mula sa Department of Health at ang aking pong panawagan ay sumunod lang po tayo. Iyan lang po ang ating taglay na proteksyon,” ayon kay Duque.

Nanawagan din sina Domagoso at Duque sa mga manininda at mamimili sa Divisoria na makiisa sa pagsunod sa public health protocols gaya ng pagsusuot ng face masks at face shields, pati na rin ang pag-obersba sa physical distancing.

“Welcome kayo sa Maynila, pero gusto ko ipaalala sa inyo, may COVID-19 sa Maynila, meron pang impeksyon kaya pakisuyo lang, disiplinahin niyo ang inyong sarili at ang gusto kong disiplina ‘di yung sinasaway pa, kusang disiplina, magmalasakit kayo sa kapwa,” sinabi ng Alkalde sa kaniyang pahayag sa harap ng mga tindero at mamimili.

Ipinaalala rin ni Mayor Isko ang kahalagahan ng pakikiisa ng mga mamamayan, lokal na pamahalaan at pamahalaang pambansa upang magtagumpay ang bansa sa laban nito kontra COVID-19.

“Ang mask, nilalagay sa bibig, tintakpan ang ilong. ‘Yun lang naman ang pakisuyo ko. Obligsayon at responsibilidad pero bilang mamamayan meron tayong responsibilidad sa ating sarili at sa ating mga mahal sa buhay kapag umuwi na kayo sa kani-kaniya niyong mga tahanan,” dagdag ni Mayor Isko.

Bago magtungo sa Divisoria, nagpulong din ang ilang mga opisyal ng lokal na pamahalaan at ng Department of Health (DOH) sa Manila City Hall.

Sa naganap na pulong, pinasalamatan ni Mayor Isko si Duque sa suportang ibinigay ng DOH sa pagpapaunlad ng medical facilities ng Maynila sa gitna ng pandemya.

“Still, we continue to reinforce our load capacity, the way we are guided by the DOH with regard to the medical institution load capacity and Quarantine Facility,” pahayag ni Mayor Isko. —SNO