Binigyang-diin ni Mayor Isko Moreno Domagoso ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na pagkilos laban sa pagkalat ng COVID-19 sa gitna ng pagbaba ng bilang ng mga apektadong indibidwal sa Lungsod ng Maynila.

Batay sa huling tala ng Manila Health Department (MHD), nasa 508 ang kasalukuyang bilang ng mga aktibong kaso ng sakit sa siyudad kumpara sa humigi’t kumulang 900 na bilang noong buwan ng Setyembre at 500-600 na bilang noong Oktubre.“Don’t take this virus lightly, traydor ‘yan, maniwala kayo.

I may not have the science of it but all I have to do is to listen to what transpired in Europe and it showed us that the virus can return, posible ang tinatawag nating second wave,” pahayag ng alkalde sa lingguhang Management Committee Meeting ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila.

Kaugnay nito, planong muli ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila na magbigay ng cash incentive sa mga barangay na walang maitatalang kaso ng COVID-19 mula Disyembre 1, 2020 hanggang Enero 31, 2021.Ito’y matapos maigawad ng lokal na pamahalaan ang Php 100,000 cash incentive sa 73 na mga barangay sa lungsod na nanatiling COVID-free mula Setyembre 1 hanggang Oktubre 31.

“Ang layunin natin ay zero COVID-19 na impeksyon sa mula Disyembre hanggang Enero sa mga barangay at naniniwala ako na kaya nila ito tulad ng 73 na mga barangay na nagawaran natin ng Php 100,000 sa unang batch ng ating incentive-based program. Iyon ang dahilan kung bakit nais naming magbigay muli ng insentibo,” ani Domagoso.

Dagdag pa ng alkalde, ito’y upang mahikayat ang mga barangay na paigtingin ang kanilang pag-iingat lalo na’t ipagdiriwang ang kapaskuhan sa Disyembre at ilulunsad ang Pista ng Sto. Niño at Pista ng Quiapo sa darating na Enero. Samantala, patuloy naman ang pagtitiyak ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa kaligtasan ng mga mamamayan nito laban sa COVID-19 sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagsasagawa ng libreng swab at serology testing, pagsasaayos sa mga health facilities nito at pagbibigay ng suporta sa mga medical frontliners ng lungsod. —SNO