Pinangunahan nina Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at Vice Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan ang pagpapasinaya sa pinagandang San Andres Sports Complex Quarantine Facility sa Lungsod ng Maynila ngayong araw, ika-21 ng Oktubre.

Ito’y bahagi ng tuloy-tuloy na pagpapaunlad ng Pamahalaang Lungsod sa mga health care facilities nito upang matiyak na nasa maayos na kalagayan ang mga nag-positibo at pinaghihinalaang kaso ng COVID-19 sa Maynila.

“Maalala mo nung nagsisimula tayo noong Marso, gumawa tayo ng emergency quarantine facility dito sa San Andres. Ngayon naman, through the help of Secretary Villar and DPWH family, nakapagpatayo uli tayo ng 54 cubicles na mayroong wifi, electric fan and air condition, banyo, mas maganda ‘yung spacing and natutuwa nga ako na nagustuhan din ng World Health Organization at DOH as per report of the Manila Health Department,” pahayag ni Mayor Isko sa kaniyang panayam sa media.

Dagdag pa ng alkalde, ang pagtatatag ng karagdagang quarantine facilities ay paghahanda ng Pamahalaang Lungsod sa oras na dumami ang kaso ng sakit sa siyudad.

“This is our preparation in our small little way to continue strengthening our load capacity na kung sakali, ’wag naman sana loobin ng Diyos, mangyari sa atin ‘yung nangyari sa most portion of Europe na nagkaroon ng second wave. Inaagapan namin ‘yung posibleng hindi magandang mangyari sa December o Enero,” dagdag pa ng alkalde.

Sa kasalukuyan, nasa 525 naman ang kabuuang bed capacity ng labintatlong quarantine facilities sa Lungsod ng Maynila. —SNO