Inilahad ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa isang panayam sa ACS Balita ng DZRH ngayong araw, ika-14 ng Setyembre, ang mga programa ng Pamahalang Lungsod na naglalayong buhayin ang mga lokal na negosyong naapektuhan ng pananalanta ng COVID-19.

Kabilang dito ang Manila Restautant Week na isasagawa mula Setyembre 20-27 at ang nagpapatuloy na kampanyang “Buy Local, Eat Local” Manila.

“This [Manila Restaurant Week] is the second program that we launched in the pandemic with regard to helping our local businesses. Last month, kung matatandaan po ninyo, Buy Local, Eat Local is a campaign of the City of Manila to help local businesses,” pahayag ng alkalde.

Dagdag pa ni Domagoso, makakabalik sa kanilang paghahanap-buhay ang mga Manileño sa oras na magbukas muli ang mga negosyo sa lungsod.

“Hagip na hagip na ang ekonomiya, at ang susunod diyan, ‘pag di natin inayudahan ang mga negosyante ay mawawalan ng empleyo, marami nang nangyaring ganyan. This is our own little way of helping them survive this pandemic,” banggit ng alkalde.

Magkakaroon din ng kani-kanilang pakulo ang mga restaurant na magbubukas sa darating na Manila Restaurant Week at inaasahan din ang pagbibigay ng mga ito ng discount sa mga tatangkilik sa kanilang negosyo.

Samantala, tiniyak din ni Mayor Isko Moreno Domagoso na susunod sa wastong health protocols ang lahat ng mga negosyo sa Lungsod ng Maynila na magbubukas sa gitna ng pandemya.

“Ligtas naman sapagkat lahat ng sasali dito ay nirerequire naman sumunod sa panawagan ng DOH na mga minimum health protocol,” ani ng alkade. —SNO