Nanindigan si Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso na ang Maynila ay hindi kailanman naging bahagi ng bansang Tsina.

Ayon kay Domagoso, ang pagtawag sa Maynila na probinsya ng Tsina ay hindi katatanggap-tanggap dahil ang Pilipinas ay isang malayang bansa.

“Ang Maynila ang kapitolyo ng bansa, hindi po ito probinsya ng Tsina; at ni minsan, hindi ito naging bahagi ng Tsina sa anumang lathalain o kasaysayan na naitala sa panahon natin at panahon ng ninuno natin,” ani Domagoso.

Inihayag ito ni Domagoso matapos madiskubre na tinatawag ng isang negosyo ng mga Chinese national sa pamamagitan ng kanilang produktong pampaganda ang kanilang address bilang “San Nicolas, Manila Province, P.R. China.”

Aniya, hangga’t siya ang Alkalde, hindi siya papayag na alipustahin ang Lungsod ng Maynila sa kahit na anong paraan. — FMO/JNL