Nakumpiska ang limang kilo ng bulok na karne ng manok at dalawang kilong lechong botcha sa routine inspection Veterinary Inspection Board (VIB) sa Elcano Market ngayong Sabado, ika-8 ng Agosto.

Nagsagawa ng inspeksyon ang VIB Meat Squad bilang tugon sa panawagan ni Punong Barangay Dr. Ma. Zinnia D. Perez, dulot ng mga akusasyong ‘double dead’ na karne na itinitinda sa pampublikong pamilihan ng Barangay 1, Zone 1.

Patuloy rin ang pagtitiyak ng VIB na puting ilaw lang ang ginagamit sa mga meat displays sa mga wet market upang hindi makapanlinlang sa kalidad ng mga nakalatag na karne.

Pinaalalahanan naman ni VIB Director Dr. Nick Santos ang mga nagtitinda na walang patid ang operasyon ng kanilang ahensya upang tiyakin na sariwa ang mga produkto sa Lungsod ng Maynila.

“Sa mga vendors, hindi po kami magsasawang i-check kung sumusunod po kayo. Hindi rin po kami magdadalawang-isip kumpiskahin ang inyong mga paninda kung mapapatunayang botcha ito o kaya naman ay pabulok na,” babala n’ya.—KDS