Sa isang follow-up operation ng Veterinary Inspection Board (VIB) ngayong Martes, ika-19 ng Agosto, nakapagkumpiska ang kanilang Meat Enforcement Squad Team ng 40 ng bocha o ‘double-dead’ na karne ng baboy sa Felix Huertas Street.

Kinumpiska rin ng VIB ang mga dilaw na ilaw na ginamit ng ilang stalls sa Natividad, Felix Huertas at Blumentritt Market sa kanilang mga meat displays na maaaring makapanlinlang sa hitsura ng nakalatag na karne.

Binalaan ni VIB Director Nick Santos Jr. ang mga nagtitinda ng hindi sariwang karne sa gitna ng pandemyang kinakaharap ng bansa.

“Hindi po kami magdadalawang isip na kumpiskahin ang inyong mga paninda kung ito’y bulok na o bocha. Ngayon pong nasa gitna tayo ng krisis na dulot ng COVID-19, maging responsable po tayo upang huwag nang lumaganap ang iba pang mga sakit,” aniya.

Nanawagan din si Dr. Santos sa mga lahat na maging mapanuri at maingat sa pamimili at ugaliing hanapin ang mga permit ng kanilang mga binibilhan.

“Kung bibili po kayo, hanapin n’yo po ang Meat Inspection Certificate na galing sa accredited na slaughterhouse bilang katunayan na ligtas at malinis ang inyong bibilhing karne.”

Patuloy ang maigting na kampanya ng VIB sa pagtitiyak na laging ligtas ang mga itinitindang karne sa mga pampublikong pamilihan sa Maynila. -VVI/KDS