Hinikayat ni Bureau of Permits Director Levi Facundo ang publiko na tangkilikin ang sariling atin upang tulungan makabangon ang mga negosyante sa Maynila sa gitna ng pandemya.

Ayon kay Facundo, hindi lamang kalusugan ang tinamaan ng COVID-19 pandemic, kung hindi na rin ang pangkalahatang ekonomiya ng siyudad.

Aniya, maaari bumili ng karagdagang pagkain na pupwedeng ibigay sa kakilala o kung kanino man, kung hindi naman kalabisan sa bulsa.

“Hinihiling po natin sa ating mga kasama, mga kababayan, mga Batang Manileño, na kung tayo po ay bibili ng produkto ay tangkilin natin ang narito sa lungsod. Let’s buy local,” ani ni Facundo.

“Ito pong extra meal na ito ay maaaring lunch or dinner sa isang tao ngunit ito ay maaring kabuhayan sa ating binibilhan ng pagkain,” dagdag niya.

Tiniyak naman ni Facundo na patuloy ang kanyang kawanihan sa pag-iinspeksyon sa bawat establisimiento sa lungsod kung ito ay sumusunod sa mga direktiba ng pamahalaan.

Ilan sa mga protokol na kailangang sundin ng mga negosyante ay ang pagsusuot ng face mask sa lahat ng oras at ang pagkakaroon ng physical distancing sa mga lamesa.

Ayon kay Facundo, nag-iisip na sila ng kanyang mga kasamahan, kasama na ang iba pang departamento, ng kaparaanan upang mapasigla muli ang takbo ng negosyo sa Lungsod ng Maynila. — FMO