Pinangunahan ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang paglunsad ng mobile serology testing clinics sa Pandacan at Tondo, ngayong Lunes, ika-27 ng Hulyo.

Layunin ng mobile testing trucks na agarang suriin ang mga kaso ng COVID-19 nang maiwasan ang patuloy na paglaganap nito sa mga barangay.

May kapasidad itong sumuri ng 100 blood samples kada araw na libreng isinasagawa sa pamamagitan ng ugnayan ng Manila Health Department (MHD), Manila Barangay Bureau (MBB) at Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).

Ayon sa alkalde, tuloy-tuloy na iikot ang mga mobile testing trucks sa iba’t ibang barangay sa Lungsod ng Maynila.

Dagdag ng alkalde, ito ang unang hakbang tungo sa agresibong mass testing sa mga barangay na may pinakamataas na bilang ng kaso ng COVID-19 ayon sa datos ng MHD.

“This is the start of our saturation drive in the city. Kapag kayo ay napuntahan, ibig sabihin kayo ay may pinakamaraming nag-positive sa COVID. May dapat tayong ipag-alala, may dapat tayong pangambahan,” aniya.

Binigyang-diin din ni Domagoso ang kahalagahan ng disiplina sa sarili lalo na sa panahon ng pandemya. Ipinangako rin niya na gagawin ng Pamahalaang Lungsod ang lahat upang epektibong labanan ang sakit ngunit hiniling niya ang kooperasyon ng bawat isa.

“Gagawin naming ang lahat-lahat, pero hindi kami magtatagupay kapag ang tao ay nagpabaya sa sarili niya. Ang susi ng tagumpay nasa tao, dahil ang virus ay hindi naglalakad. Ang tao ang naglalakad, ang tao ang nagpaparami. Kapag iyon nilagay niyo sa inyong isipan, tingin ko tayo’y mag-iingat,” paalala niya.

Ipinangako rin ni Domagoso na patuloy na sisikapin ng Pamahalaang Lungsod na panglingkuran ang bawat Manileño sa gitna ng pandemya.

“Pipilitin natin mayakap lahat. Kahit singkong duling nalang pera ang Maynila. Pipilitin naming maging masinop, mainam, episyente araw-araw,” aniya. —KDS/JNL