ENROLLMENT UPDATE: Nanguna ang Lungsod ng Maynila sa mga siyudad sa National Capital Region na nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng mga mag-aaral na dumagdag sa kanilang target enrollees para sa Academic Year 2020-2021 ayon sa Public Schools’ Enrollment Data ng DepEd-NCR.

Umabot sa 289,781 ang kabuuang enrollment sa mga pampublikong paaralan sa lungsod ayon sa huling datos ng Division of City Schools (DCS)-Manila.

Ito ay karagdagang 20,809 na mag-aaral o 7.74% na pagtaas mula sa 268,972 enrollees noong nakaraang taon.

Pumangalawa naman ang Caloocan City na nagkaroon ng karagdagang 10,009 na mag-aaral ngayong darating na pasukan; pangatlo ang Parañaque City na nakapagtala naman ng karagdagang 4,300 enrollees at; pang-apat ang San Juan City na nagkaroon ng karagdagang 1,127 na mag-aaral mula sa kanilang target enrollment.

Umabot sa 105.32% o 182,630 na mag-aaral mula Kinder hanggang Grade 6 ang kabuuang bilang ng mga nagpatala sa 72 na pampublikong paaralan sa elementarya habang pumalo naman sa 107,151 estudyante o 112.12% naman ang nagpa-enroll sa high school.

Ayon kay DCS-Manila Superintendent Maria Magdalena Lim, inaasahan na nila ang pagtaas ng enrollment sa mga pampublikong paaralan sa Maynila ngayong taon.

“We have anticipated this good challenge of increased enrollment when we received high Day-1 enrollment data despite a little lower national turnout,” paliwanag ni SDS Lim.

Dagdag pa nya, epektibo nilang nahikayat ang mga mag-aaral na mag-enroll sa kabila ng pandemyang ating kinakaharap sa pamamagitan ng iba’t ibang pamamaraan na hindi kinakailangan ng pisikal na pakikipag-ugnayan.

Batay pa rin sa datos ng DCS-Manila, umabot sa 9,079 na mag-aaral mula sa private schools ang lumipat sa mga pampublikong paaralan at 8,391 na estudyante naman ang nagpa-enroll sa Alternative Learning System (ALS) at Special Education (SPED).

Nasa 13,025 na enrollees naman ang hindi Manileño o residente ng mga kalapit na lungsod. Karamihan sa mga ito ay mula sa mga siyudad na malapit sa mga lungsod ng Caloocan, Navotas, Malabon, Quezon City, at Marikina.

Nauna nang nagpasalamat si Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa mga magulang na nagpa-enroll sa kanilang mga anak sa distance blended learning ng Pamahalaang Lungsod.

“Taos-puso po ang aking pasasalamat sa lahat ng mga magulang dito sa Lungsod ng Maynila. Maraming salamat at kayo ay sumunod sa aking payonna i-enroll ang inyong mga anak,” anang Punong Lungsod. –PTG

Pubmat by Carlo Asoro/MPIO