TINGNAN: Nakipagkasundo ang Pamahalaang Lungsod sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) Environmental Management Bureau (EMB) para sa paglalagay ng real-time Air Quality Monitoring System (AQMS) sa Mehan Garden ngayong Huwebes, ika-16 ng Hulyo.

Layunin ng kasunduan na suriin ang datos mula sa real-time AQMS upang tulungang maitaas ang kalidad ng hangin sa Kamaynilaan.

Ayon kay DENR-EMB NCR Regional Director Atty. Domingo M. Clemente, Jr., isa ang air pollution sa mga nangungunang ‘environmental risk’ sa buong mundo kaya’t mahalagang intindihin ang sanhi at solusyunan ito.

“We have the Teledyne T640 PM analyzer, the first ever in the Philippines. Ito po ang makina na sumusukat sa kalidad ng hangin. There is a need to understand and improve our air quality,” aniya.

Binigyang diin ni Manila City Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang adhikain ng Pamahalaang Lungsod na palawakin ang mga ‘green spaces’ sa Maynila.

“Walang kibit-balikat ang sabi ko, ilagay n’yo po sa Maynila. Para naman masukat natin ang effort ng city to make more open green spaces and cleaner air through this first-ever-in-the-country machine donated by DENR,” ani ng alkalde.

Tiniyak naman ni Department of Public Services (DPS) Director Kenneth Amurao na patuloy ang kooperasyon ng kanilang departamento sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at ilang mga pribadong sektor upang isulong ang pagkakaroon ng mas malinis hangin at kapaligiran sa Lungsod ng Maynila.

“Hindi po tayo hihinto sa pagkakaroon lamang ng Air Quality Monitoring Station sa Lungsod ng Maynila, but we will practice consistency in our policy. Consistent po ang ating pakikipag-ugnayan sa national government and the private sector for current and future projects that will help our city, specially the ones that will promote a cleaner and greener environment,” ani Director Amurao. —KDS

(Mga kuha ni K R De Asis/MPIO)