Umabot na sa 168,236 ang mga face masks na naihatid sa Tanggapan ng Punong Lungsod ngayong araw, Hulyo 14.

Ayon kay Public Employment Service Office (PESO)-Manila Chief Fernan Bermejo ay nakapaghatid sila ng 27,010 na pirasong face masks kanina sa Tanggapan ng Punong Lungsod.

Naglalayon na makagawa ng isang milyong face masks ang PESO-Manila upang ito’y maipamahagi sa mga barangay ng Lungsod ng Maynila. Ang mga barangay naman ay siyang responsable sa pamamahagi nito sa kanilang nasasakupan.

Ang livelihood project na Face Masks Sewing Program ay sinimulan noong Hunyo sa ilalim ng PESO-Manila. Ang programang ito ay naglalayong magbigay ng trabaho sa mga mananahing Manilenyo, habang ang mga face masks na nagawa ay ipamamahagi ng libre sa bawat tahanan ng mga mamamayan ng Lungsod ng Maynila.

—JKG