Matapos magbabala ni Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) OIC-Director Dennis Viaje, agarang nag-inspeksyon at nanghuli ng mga lumalabag na drayber ang Tri-wheels Management Unit (TMU) ngayong Biyernes, ika-5 ng Hunyo, sa Lacson Avenue hanggang Blumentritt Road.

Pinangunahan ni MTPB-TMU Chief Eduardo V. Pablo ang operasyon, kung saan na-impound ang 16 na tricycle at isang pedicab.

Ilan sa nilabag ng mga nahuli ay ang pagmamaneho nang walang lisensya, hindi paglalagay ng divider sa pagitan ng drayber at pasahero at pagsasakay ng dalawa o higit pang mga pasahero.

Nanawagan naman si MTPB-TMU Chief Pablo sa mga drayber na sundin ang mga alituntunin upang hindi sila tuluyang mawalan ng pagkakakitaan sa gitna ng pandemya.

“Tricycle driver din po ako for 14 years, alam ko kung gaano kahirap kumikita ang mga tricycle. Kaya nananawagan po ako, ang importante kumpleto sila, walang magiging problema,” aniya.

Muling nakiusap si MTPB OIC-Director Viaje sa mga drayber na intindihin din ang mga pasahero sapagkat lahat ay apektado ng krisis na dulot ng COVID-19.

“Hindi po kami natutuwa kapag kayo ay hinuhuli namin, dahil alam namin na masakit din sa inyo kapag nagbabayad kayo ng penalty, ngunit wala po kaming magagawa kung hindi n’yo susundin ang mga alituntunin sa ilalim ng GCQ,” aniya.

“Hindi lang po kayo ang nangangailangan, ang ilan po sa ating mga pasahero ay nangangailangan din. Nakikisuyo po kami sa inyo, para rin po ito sa ikabubuti ng lahat,” pahayag ni Director Viaje.

Nagpaabot rin ng mensahe ang direktor sa mga pasahero na nagpupumilit na lumabag sa direktiba ng Pamahalaang Lungsod.

“Sumunod rin po kayo. Isa lang po ang puwedeng isakay at kailangan po kayo ay naka-face mask. Kasi po kung mahuli po ang ating drayber, wala rin po kayong magagawa,” aniya.

“Kung sa tingin n’yo naman po kayo ay naabuso, kunin n’yo po ang body number, TODA na kinabibilangan at pangalan ng inyong drayber. Idulog n’yo po ito sa amin at agad namin itong aaksyunan,” pagtitiyak ni Director Viaje.

Binigyang-diin rin ng MTPB na sa darating na Lunes, ika-8 Hunyo, bibigyan nila ng pagkakataong magpaliwanag ang mga drayber at operator ng mga naimpound na tricycle at pedicab.