Iprinisinta ni Manila City Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa mga pedicab drivers ng Balut PODA Rodriguez Line ang mga bagong pedicab na maaaring gamitin sa ilalim ng “new normal” dulot ng COVID-19 pandemic.

Sa isang konsultasyon kasama ang mga pedicab drivers at ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), sinabi ni Domagoso na piso lang ang magiging downpayment ng mga pedicab driver at tinatayang P188 kada araw lang ang huhulugan nila sa loob ng tatlo hanggang limang taon.

Ang “Corona edition” na pedicab—gawa ng Italian motor vehicle manufacturer Piaggio—ay mayroong angkop na physical distancing dividers at tumatakbo gamit ang gas o diesel.

“Ilalaban ko ito ng magandang presyo. Piso lang ang down, tapos ‘yung hinuhulog mo, ‘yun ‘yung boundary mo, in 3-5 years, sa’yo na ito,” ayon kay Domagoso.

Sumang-ayon ang mga pedicab driver sa plano ng Alkalde matapos nilang tiyakin na kaya nilang hulugan ang mga matatanggap nilang modernong pedicab.

“Kakayanin po. Magandang oportunidad po ito at para makapagpahinga sa pagpapadyak,” ani Mr. Reneto Dandoy, isa sa mga pedicab drivers.

“Kayo ang inuuna ko lagi, kasi ‘pag walang byahe, walang chicha. Pahirap nang pahirap ang buhay sa kalye ngayon. Iniisip ko kung paano pataasin ang dignidad ng mga naghahanap-buhay sa kalsada,” ani Domagoso.

Sa kasalukuyan, plano ng Pamahalaang Lungsod na makakuha ng paunang 2,000 modernong pedicab para sa mga rehistradong PODA sa Maynila.

Kabilang rin dito ang kasamang cellphone unit ng bawat taxicycle, kung saan pinag-aaralan ng lungsod ang cashless payment system para sa pedicabs. —KDS/JNL