Kinilala ng Department of Interior and Local Government (DILG)-Manila ang ginawang pagtugon ng Maynila laban sa COVID-19.

Ayon kay DILG Director Atty. Rolynne Javier, kahanga-hanga ang naging aksyon ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila upang sugpuin ang coronavirus disease sa lungsod at tulungan ang mga Manileño habang ipinatutupad ang community quarantine.

“Tiniyak ng Pamahalaang Lungsod na mabibigyan ng ayuda ang bawat pamilya sa mga panahong hindi makapagtrabaho ang karamihan sa mga mamamayan,” ani Atty. Javier.

Pahayag pa ng DILG-Manila Director, kapansin-pansin ang naitatala ng Maynila na mataas na bilang ng mga pasyente na gumagaling sa COVID-19.

Pinapurihan din ng DILG-Manila ang liderato ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso dahil sa paggamit nito ng iba’t ibang paraan sa paglaban sa COVID-19 kung saan kabilang ang pagtatatag ng Manila Infectious Disease Control Center (MIDCC) at pagkakaroon Digital Health Survey upang maagap na matugunan ang mga kaso ng coronavirus disease sa Lungsod ng Maynila.