Bilang bahagi ng adhikain ng Pamahalaang Lungsod, sa ilalim ng #BuildBuildManila, ininspeksyon ngayong araw, ika-30 ng Mayo ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang mga proyekto ng pamahalaan na kasalukuyang nasa ilalim ng konstruksyon.

Kabilang rito ang pagpapatayo ng fountain sa Anda Circle at ang pagsasaayos ng Lagusnilad Underpass.

Unang binisita ng Punong Lungsod ang Lagusnilad Underpass at nilahad niya ang pagbabalik ng “Books from Underground” pagkatapos ng rehabilitasyon.

Matapos nito, nagtungo ang alkalde sa Anda Circle at ipinaabot ang kaniyang mga plano upang mas lalong pagandahin ang lugar.

Nagpahayag din s’ya ng pasasalamat sa Asian Terminals Incorporated para sa kanilang suporta sa proyekto ng lungsod.

“Palagyan natin ng ilaw at buhayin ang mga poste. Ito ang maganda, libre. Walang tosgas (gastos), libre nating nakuha ito. Thank you, Asian Terminals,” aniya.

Kabilang rin sa nag-inspeksyon ay sina Vice Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan at Department of Engineering and Public Works (DEPW) Head Engr. Armand Andres.