Pitong suspek ang inaresto ng Manila Police District (MPD) sa Recto, Maynila matapos silang mahuli na lumilikha ng mga pekeng ID ng Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Disease.

Kinilala ang isa sa mga suspek bilang si Johnny Perez, 32 taong gulang, residente ng Santa Cruz, Maynila.

Ayon sa spot report ng Sampaloc Police Station, nahuli si Perez at ang kanyang anim na kasamahan na gumagawa ng mga pekeng IATF ID passes kaninang 1:30 pm, Lunes, ika-25 ng Mayo.

Nakuha rin sa mga suspek ang mga computer set, printer, scanner, laminating machine, ID cutter, ang mga sampol ng IATF ID.

Dinala sina Perez at ang kanyang mga kasamahan sa Tondo Medical Center para sa inisyal na medico-legal examination bago dalhin sa Sampaloc Police Station.

Haharap sila sa kasong “falsification by private individual and use of falsified documents,” kaugnay sa Republic Act 11469 o “Bayanihan to Heal as One Act.”