Bilang bahagi ng Social Amelioration project ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, matatanggap na ng mga rehistradong senior citizens ng lungsod ang kanilang tatlong buwang allowance simula Enero hanggang Marso.

Pinirmahan na ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ngayong Miyerkules, ika-15 ng Abril ang budget na naglalaan ng P13,680,000 para sa 9,120 beneficiaries.

Alinsunod ito sa Ordinance 8565 series of 2019, kung saan ang bawat kwalipikado at rehistradong Senior Citizen ay makatatanggap ng P500 na allowance kada buwan mula sa Pamahalaang Lungsod.

“Sa Biyernes, icheck n’yo po. Kayo po ay pagkakalooban ng P1,500 para sa tatlong buwan n’yong pensyon,” ani ng alkalde.

Humingi rin ng pang-unawa ang alkalde sa mga senior citizens na hindi pa nakatanggap ng kanilang Paymaya cards ngunit tiniyak rin niya na makukuha nila ang kabuuan ng kanilang pensyon mula Enero.

“Sa mga wala pang card, pasensya na po muna. Pagtapos po ng quarantine, itutuloy po ang distribusyon ng Paymaya cards. Huwag po kayong mag-alala, matatanggap n’yo pa rin po nang buo ang pensyon n’yo,” pangako n’ya.

Ang allowance ay awtomatikong papasok sa kani-kanilang Paymaya account at maaari itong i-widthraw, gamitin online o ipambayad sa mga establisyimento na tumatanggap ng Paymaya QR.