Pinirmahan ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso noong Biyernes, ika-17 ng Abril ang Ordinance no. 8629 series of 2020 para sa distribusyon ng Bayanihan Grant na ipinagkaloob sa Lungsod ng Maynila.

Nakatanggap ng kabuuang P292,600,487 ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa ilalim ng Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One Act na maaaring ilaan at gamitin para sa mga programa kontra COVID-19.

Ayon sa ordinansa, hahatiin ang budget sa mga departmento upang masuportahan ang iba’t-ibang mga proyekto at makabili ng mga medical supplies.

“Ito ay upang labanan ang COVID-19, partikular sa pagbili ng test kits at PPEs. Para ito sa welfare goods, medical supplies at medical equipment,” paliwanag ng alkalde.

Hinati ito sa dalawang bahagi: Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) na may kabuuan na P220,600,487 at sa Capital Outlay (CO) na nagkakahalagang P72,000,000.

Pinakamalaking bahagi ng MOOE ay mapupunta sa Manila Department of Social Welfare (P95,000,000) at nakalaan naman sa Manila Health Department ang buong Capital Outlay (P72,000,000) kasama ng budget para sa medical supplies mula sa MOOE (P69,700,000).