Nagpasalamat si Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa agarang aksyon ng Caloocan City government at Caloocan City Police Station sa paghuli ng mga opisyal ng barangay na diumano’y sangkot sa tupada o sabong sa loob ng Manila North Cemetery.

Kamakailan ay nag-viral sa social media ang naturang sabong dahil diumano’y isinagawa ito ng mga opisyal ng Caloocan City Barangay 129 noong Biyernes Santo.

“Sa tulong at mabuting kalooban ni Mayor Oca Malapitan ng Caloocan City at kay Chief of Police Colonel Dario Menor ng Caloocan Police Station, ngayong gabing ito ay tumugon na sa panawagan ang mga barangay official na naririto,” sabi ng alkalde.

“Again, Mayor Oca, on behalf of the people of Manila na labis na nasaktan ng mga lokong ito sa mga puntod ng mga nahimlay nilang minamahal sa buhay sa North Cemetery, taos-puso po ang aming pasasalamat sa inyo, maraming salamat po,” diin niya.

Nasa kustodiya na ng Manila Police District (MPD) ang mga suspek na kinilala bilang sina Chairman Brix John Rolly Reyes at mga kagawad na sina Alfie Lacson, Romualdo Reyes at John Cris Domingo.

Ito ay matapos bigyan ni Domagoso ng 48 oras ang mga opisyal ng barangay para sumuko sa mga awtoridad.

“Nagdala pa kayo ng problema sa Maynila. Wala kayong patawad kahit Biyernes Santo. Binibigyan ko kayo ng 48 oras, harapin niyo ang inyong kasalanan,” ani ng alkalde.

Matapos nito ay agaran namang sumuko ang mga suspek kay Mayor Malapitan at ipinasa ang kanilang kustodiya sa Caloocan City Police Station na siya namang nakipag-ugnayan sa MPD.

Maaaring humarap sa patong-patong na kaso ang mga suspek kabilang ang paglabag sa Presidential 1602 (Illegal Cockfighting), Republic 11469 (Bayanihan to Heal as One Act) Republic Act at Republic Act 11332 (Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Event of Public Health Concern Act).

Maaari ring makasuhan ang mga akusado ng Resistance and Disobedience to a Person in Authority or the Agent of such Person sa gitna ng Proclamation No. 922 s. 2020 (Declaring the State of Public Health Emergency throughout the Philippines).