Sa gitna ng banta ng coronavirus disease (COVID-19) sa buong bansa, pinangunahan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, sa tulong ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) ang pag-rescue sa mga street dwellers sa lungsod upang bigyan ng pansamantalang matutuluyan sa Delpan Covered Court.

Binisita at ininspeksyon ito noong Biyernes, ika-20 ng Marso ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, Vice Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan at MDSW Director Re Fugoso.

Ang pansamantalang evacuation shelter ay mayroong kani-kaniyang modular tents, sariling palikuran at paliguan. Regular na rasyon din ng pagkain ang natatanggap ng bawat evacuee sa agahan, tanghalian at hapunan. Mayroon ding kani-kaniyang hygiene kit at face masks.

Sa kasalukuyan, mayroong 145 na evacuees sa Delpan Covered Court kung saan 22 rito ay Manileno, 72 ang tiga ibang lungsod at 51 na walang permanenteng tirahan.

Sa isang panayam kay MDSW Director Re Fugoso, binigyang-diin n’ya ang kahalagahan ng pagtulong sa kapwa, lalo na sa oras ng krisis at pangamba.

“Kapag panahon ng kalamidad hindi tayo pwedeng pumili ng tao. Kahit hindi tiga-Maynila, tumutulong tayo. Sa totoo lang, mas marami ang hindi tiga-Maynila pero hindi natin sila p’wedeng pabayaan,” pahayag ni Dir. Fuguso.

Ipinabatid rin n’ya ang kasalukuyang lockdown sa mga pasilidad ng Manila Boystown Complex at ng Manila Youth Reception Center (MYRC) bilang pag-iingat sa kalusugan mga namamalagi rito, lalo na sa mga may edad at may sakit.

“Kasi sa Boystown, mayroon tayong Home for the Aged, 300 lolos at lolas at 400 na kabataan. Sa MYRC, mayroon tayong 200 na kabataan kaya simula ng Monday pina-lockdown natin ‘yan, kasi ayaw nating may makapasok na sakit at makahawa lalo sa mga matatanda,” aniya.

Tiniyak rin ng alkalde na ang Pamahaalang Lungsod ay patuloy na tutugon sa mga pangangailangan ng bawat mamamayan sa lungsod.

“Your city government will continue to function. Lahat ng sektor ay pinipilit natin na bigyan ng atensyon, unti-unti pero strategic,” ani Domagoso.