Binalaan ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang mga punerarya na tumatanggi o nagpapaliban sa pagtanggap ng mga labi o bangkay galing sa mga ospital na kakanselahin ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang kanilang mga business permits.

Nanawagan ang alkalde, ngayong Lunes, ika-23 ng Marso sa bawat punerarya sa Lungsod ng Maynila na tanggapin ang mga labi at bigyan ng karampatang serbisyo.

“Sa lahat ng punerarya, ayokong may mauulit na insidente na may isang patay, habang nagdadalamhati ang pamilya nila dala ay siya n’yong aabusuhin ang kanilang kalugmukan. Huwag na huwag n’yong gagawin ‘yan sa panahong ito,” aniya.

“Nagnegosyo kayo, hanap-patay. May namatay, kunin n’yo. Bigyan n’yo ng maayos at disenteng serbisyo,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin din ni Domagoso na hindi dapat gawing dahilan ang lumalaganap na coronavirus disease (COVID-19) upang tanggihan ang mga bangkay na galing sa mga ospital.

“Kung kayo ay may pangamba na sila ay PUI, alam n’yo din na may mga protocol na dapat sundin. Pinasok n’yo ang negosyo na ‘yan, tupdin n’yo ang tungkulin n’yo,” giit niya.

Mariin ding inabisuhan ng alkalde ang lahat ng mga negosyante na patuloy na umaabuso sa gitna ng krisis na hinaharap ng lungsod.

“Hindi ko bibigyan ng puwang ang mga umaabuso at mapagsamantalang kumpanya sa panahon ngayon. You will regret this. As long as I am the Mayor of the City of Manila, you will never be allowed to do business again. Hindi ko kayo papayagang makapaghanap-buhay sa Maynila,” babala ng alkalde.