Inaresto ng Manila Police District Special Mayor’s Reaction Team (MPD-SMaRT) ang apat na lalaking diumano’y nag-iinuman sa kalye kahit pa may ipinatutupad na “enhanced community quarantine” sa buong Luzon.

Ayon sa spot report ng MPD-SMaRT, nagpadala sa tanggapan ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang isang concerned citizen ng video kung saan kita raw na umiinom at tumatambay ang ilang mga kalalakihan sa kalye ng Yangco sa Tondo, Maynila.

Tinitingnan ito ng kapulisan bilang isang paglabag sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpatupad ng enhanced community quarantine.

Kinilala ng MPD-SMaRT ang mga suspek bilang sina Joseph Dimapanag, Lawrence Ilustrisimo, Geyran doromal at Nonet Del Carmen.

Naka-detain na ang mga suspek sa MPD Station 1.

Ayon kay Police Major Rosalino Ibay Jr., hepe ng MPD-SMaRT, haharap ang mga suspek sa kasong paglabag ng Article 151 ng Revised Penal Code (resistance and disobedience to a person in authority).

Ito ay alinsunod sa Presidential Proclamation No. 922 ni Pangulong Duterte kung saan nakasaad sa Section 4 na dapat makiisa ang lahat sa mga direktibo ng pambansang pamahalaan para maiwasan ang paglaganap ng coronavirus disease o COVID-19.