Nakipagpulong si Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso noong Huwebes, ika-20 ng Pebrero upang talakayin ang programang pabahay at gusaling komersyal ng pamahalaang lungsod.

Iprinisinta ng iba’t ibang departamento ang kanilang mga plano ukol sa urban resettlement na naglalayong bigyan ng permanenteng tirahan ang mga informal settlers.

“Ang nais po namin hangga’t maaari ay hindi na sila lalabas. Nandun na po ang kanilang mga pangangailangan kaya may mga commercial units po. Maaari po tayong mag-accomodate ng maraming pamilya,” ani ng isa sa mga nagbahagi ng presentasyon.

Binigyang-diin ni Domagoso ang hangarin ng pamahalaan na bigyan ng maayos at marangal na tahanan ang mga kapuspalad na naninirahan sa Parola, Vitas, Punta at iba pang lugar sa Maynila.

“Ang gagawin natin para sa mga taga-Maynila, dapat honest to goodness, may dignity. I grew up in Parola, kaya matagal ko nang pangarap ito,” aniya.