Dinaluhan ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at Vice Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan noong Huwebes, ika-27 ng Pebrero ang Manila Fire Volunteer Summit 2020 na ginanap sa Palacio de Maynila.

Taos-pusong nagpasalamat ang alkalde sa mga volunteers, pati na rin sa mga kawani ng Manila Disaster Risk Management Office (MDRRMO), Department of Public Services (DPS) at Department of Engineering and Public Works (DEPW) sa kanilang patuloy na pagsisikap upang maging malinis, maaliwalas at payapa ang lungsod.

“On behalf of the City of Manila, maraming salamat po sa inyong lahat. Sana po magtuloy-tuloy po ang pakikipagtulungan n’yo sa amin,” aniya.

Tiniyak din ni Domagoso na pagbubutihin ang kalidad ng mga kagamitang pangkaligtasan ng mga kawani ng lungsod.

“Palalakasin namin ang aming mga gamit pangkaligtasan gamit ang bagong teknolohiya, ‘yan ang mangyayari sa MDRRMO,” ani ng alkalde.

Pinangako rin n’ya na patuloy ang kanyang pagsisikap tungo sa pagpapaunlad ng lungsod.

“Kapag niregaluhan n’yo ko ng unan, ‘yun ang pinaka-masarap na regalo na matatanggap ko, dahil hindi talaga ako matutulog hangga’t hindi nakakabangon ang lungsod ng Maynila sa pagkakalugmok,” dagdag pa ng alkalde.