BREAKING: Binalaan ni Acting Manila City Mayor Honey Lacuna-Pangan ang mga negosyanteng nananamantala ng mga namimili ng face masks sa kabila ng ash fall dulot ng pagsabog ng Bulkang Taal.

Nakarating sa kanyang tanggapan ang mga reklamo na nagsisitaasan na ang presyo ng mga N95 Masks sa iba’t ibang pamilihan sa Maynila. Mula P25 hanggang P30, pumalo na raw nang P200 ang isang piraso ng N95 Mask.

Inatasan na ni Lacuna-Pangan ang Manila Bureau of Permits at Manila Licenses Office na magsagawa ng inspeksyon sa mga negosyong nagbebenta ng N95 Mask.

“Huwag naman po natin gamitin ang panahon na ito para manamantala. Tandaan po natin, delikado po sa kalusugan nila ito,” ani Lacuna-Pangan.

“Ayaw ko pong makakita ng pasyenteng may asthma na itinakbo sa ospital dahil lang hindi siya makahanap o makabili ng mask,” giit niya.