Traslacion 2018 Payapa, ayon sa NCRPO

(By | facebook@mayorjosephestrada)

Naging mapayapa at maayos ang isinagawang Pista ng Itim na Nazareno, kabilang na ang Pahalik at Traslacion ngayong taon, ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Oscar Albayalde.

Ayon kay Albayalde, walang naiulat na krimen o maging paglabag sa gun ban at liquor ban sa paggunita ng Pista ng Itim na Nazareno at sa 22-oras na Traslacion na dinaluhan ng aabot sa 7.6 milyong deboto; tinatayang 150,000 naman ang dumayo sa Quirino Grandstand para sa Pahalik.

Sa tala naman ng Philippine National Red Cross (PNRC), isa ang naiulat na nasawi at umabot sa 1,200 deboto ang nagtamo ng minor injuries at nabigyan ng karampatang lunas. Ang nasawi ay nakikilang si SJO4 Ramil Dela Cruz na inatake ng stroke.