Sama-sama kontra droga: Erap seeks barangay chairmen’s cooperation to fight drugs

Politics.com.ph | December 5, 2016

Hiniling muli ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada sa mga punong barangay na makiisa sa kampanya ng pamahalaang lungsod laban sa droga.

Kasabay nito ay naglabas ng P32-milyong pondo si Estrada bilang karagdagang pondo ng 102 barangay, ang pinakahuling mga barangay sa Maynila na nabigyan ng supplemental budget ngayong 2016.

“Sa barangay niyo, kilala niyo bawat tao. ‘Pag may nahuli kayong gumagawa ng iligal, lalo na droga, i-report niyo agad para malinis natin agad,” pakiusap ni Estrada sa mga punong barangay.

“Sama-sama tayo dapat, mula mayor’s office, konseho, barangay, lahat. Kailangan na kailangan kayo dito. Magkaisa tayo, ‘yun lang naman ang hiling ko sa inyo,” dagdag pa niya.

Aniya, para naman ito sa ikabubuti ng mga mamamayan.”Kawawa tayo at ang susunod na henerasyon ‘pag hindi natin masugpo ang droga.”

“Tulung-tulong tayo. ‘Wag kayong matakot,” pagdidiin pa ni Estrada.

Kailan lang ay ipinasailalim ni Estrada ang 7,168 opisyal ng barangay sa drug test bilang bahagi pa rin ng kanyang kampanya laban sa droga.

Nitong isang buwan, sinabi ng Manila Police District (MPD) na 16 opisyal ng lungsod at barangay, kabilang na ang pulisya, ang kanilang iniimbestigahan dahil sa umano’y koneksyon ng mga ito sa droga.

Sa 102 punong barangay na naghati-hati sa P32.4 pondong nilabas ni Estrada, tatlo ang nakatanggap ng mahigit P1 milyon.

Ito ay sina Chairman John ng Barangay 295, Zone 28 na nakatanggap ng supplemental budget na P1.06 milyon; Chairman Dick Ching ng Barangay 290, Zone 27, P1.4 milyon; at Chairwoman Lydia Jang ng Barangay 300, Zone 29, na pinakamalaki ang natanggap,P1.7 milyon. Lahat ng mga ito ay sa District 3.

Nitong Nobyembre lang din ay dinagdagan ni Estrada ng P24.05 milyon ang budget ng 38 barangay upang palakasin ang kanilang kahandaan sa kalamidad.

Nitong Setyembre lang ay naglaan ng panibagong P200-milyong pondo si Estrada upang matulungan ang 896 barangay ng lungsod sa pagpapalakas ng kanilang seguridad laban sa terorismo. Ito ay matapos ang pambobomba sa Davao City.