Para sa Pasko: Mga Lumang Fountain sa Maynila, Napaayos na ni Mayor Erap

(By | facebook@mayorjosephestrada)

Nakumpleto na ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa ilalim ni Mayor Joseph “Erap” Estrada ang pagpapaayos ng mga fountain sa lungsod – na pawang pinabayaan ng nakaraang administrasyon – kasabay ng papalapit na Kapaskuhan.

Ayon kay Estrada, ang mga bagong gawang fountain na may colored lights pa ay pandagdag-atraksyon din sa mga tourist spots sa Maynila, lalo na sa gabi.

“Christmas is the time of the year where people go out with their families and loved ones, and many tourists will come and have vacation here, not to mention the Christmas shoppers,” pahayag ng alkalde, “so this is why we have renovated our fountains and public parks.”

Dahil sa kagandahan ng mga fountain na ito, ginagawa na rin itong tila swimming pool ng ilang tao na mahigpit na pinagbabawal ng City Hall, ayon kay Arsenic Lacson, Jr., officer-in-charge of the Manila Parks Development Office (MPDO).

“Ang problema natin ngayon, nililiguan. Mayroon pa ngang naglalaba,” ani Lacson.

Walong fountain na ang naisaayos ng lokal na pamahalaan. Ito ay matatagpuan sa Raja Sulayman Park, Remedios Circle, Sta. Cruz Plaza, Plaza Gomburza sa tapat ng National Museum, Plaza Balagtas, Plaza San Lorenzo Ruiz, Plaza Hernandez, at sa Mehan Garden, ayon kay Lacson.

Inaayos na rin ng MPDO ang dalawang fountain sa Plaza Calderon malapit sa Sta. Ana Church.

“During former Mayor Lito Atienza’s time, maganda lahat ng parks. Noong pumasok si Mayor Lim, doon napabayaan. Doon hindi gumana ang mga fountains,” pagdidiin ni Lacson.

“Fountains instantly beautify a place. And when the place is beautiful, clean and maintained properly, it attracts tourists, boosts businesses, and generates jobs. The development of our parks is an instant visual testament to the city’s development and prosperity,” dagdag pa niya.

Bilang bahagi ng kanyang urban renewal program na naglalayong ibalik ang dating ganda ng Maynila, sinimulan ni Estrada noong 2013 ang pagpapaayos ng mga makasaysayang parke at mga monumento sa lungsod, kabilang na ang mga fountain, kung saan naglaan siya ng P100 milyon para rito.

May 48 na mga lumang plaza at parke ang Maynila, na noo’y kilala bilang “Pearl of the Orient”; mahigit kalahati na dito ang naisaayos ni Estrada mula noong 2013.

Ilan sa mga napaaayos na ay ang Plaza Rueda at Bonifacio Shrine sa Taft Avenue, Plaza Hernandez saTondo, Plaza De Virge sa Pandacan, Plaza Hugo sa Sta. Ana, at Plaza Guerrero sa tapat ng US Embassy.

Kamakailan lang ay natapos na ng MPDO ang rehabilitasyon ng Plaza Salamanca sa Taft Avenue, Ermita, na pinangalan kay Dr. Olivia Salamanca, ang isa sa mga kauna-unahang babaeng doktor sa Pilipinas. Namatay siya noong 1913 sa edad na 24.