Mga anak, iwasan n’yo ang droga — Estrada

journal.com.ph | Written by Peoples Tonight | February 18, 2018

MULING ipinaalaala ni Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada ang kasamaang mai-dudulot ng bawal na gamot sa pagtatapos na 10 araw na D.A.R.E. program ng 900 estudyanteng grade 5 at grade 6 ng paaralang publiko sa lungsod.

Ginanap ang pagtatapos sa Legarda Elementary School, Peb. 13, na dinaluhan ng mga opisyal at guro ng paaralan, mga kawani ng Manila Police District (MPD), mga opisyal ng D.A.R.E. Philippines at mga piling panauhin.

Sa mensahe, binanggit ni Estrada na inumpisahan niya ang programang D.A.R.E. noong Setyembre 2015 bilang tugon sa krisis ng iligal na droga sa bansa.

Binanggit ng alkalde na maraming bata at pamilya ang nawalan ng magandang kinabukasan dahil sa salot na iligal na droga kaya naisip niya na ipatupad ang programang D.A.R.E. para matapos na ang lahat ng ito.

Sa tulong ng mga pulis-MPD na eksperto sa programang D.A.R.E., naturuan ang mga bata tungkol sa masasamang epekto sa kalusugan at kaisipan ng bawal na gamot at naturuan sila kung paano makaiiwas sa tukso ng mga nag-aalok ng iligal na droga.

“Ang droga ay lason, hindi lang sa katawan, ito ay lason din sa inyong kinabukasan,” paalaala ng alkalde sa mga nagtapos ng programang D.A.R.E.

“Papatayin ng droga ang inyong kinabukasan, ang kinabukasan ng ating bansa,” sabi ni Estrada.

Sinariwa ng alkalde sa isip ng madla ang ulat noon ng PDEA na 92.1% ng barangay sa Metro Manila ay apektado ng iligal na droga, at noong taong 2012 lamang ay umabot sa ilang milyon ang naapektuhan ng bawal na iligal na droga.

Nilinaw ni Erap na ang misyon ng D.A.R.E. ay maturuan ang mga estudyante na magkaroon ng kakayahang makapagdesisyon ng tama at magabayan sila na matutong mabuhay nang malusog at ligtas na pamumuhay.

“Tandaan n’yo, mga bata na ginagawa namin ito para sa inyo. Wala kaming hangad kung hindi ang matiyak ang inyong kinabukasan at mailayo kayo sa anomang makasisira nito.”

Ipinaalala ni Erap sa mga bata ang sinabi mismo ni Presidente Rodrigo Duterte na “’pag nagdroga kayo, liliit ang utak ninyo.”

“Bata pa kayo, ’pag nagdroga kayo, imbes na sabayan ng paglaki ng inyong mga utak, liliit pa ito.”

At upang magtagumpay sa buhay, ang mahigpit na payo ni Estrada sa mga bata: “Lumayo kayo sa droga.”

Sa huli ay hinikayat ng alkalde ang lahat na magtulungan upang mailigtas ang mga bata at tiyakin ang kanilang magandang kinabu-kasan.