Manila Mayor Erap, nagbigay ng 2,508 na pares ng sapatos sa mga estudyante sa unang araw ng pasukan

Manila Mayor Joseph Estrada FB Page Post | June 4, 2018

Maagang sinorpresa ni Mayor Joseph Estrada ang mga estudyante ng Bacood Elementary School ng Maynila sa unang araw ng pasukan. Bitbit ang 2,508 na pares ng “Erap All-Stars”, personal niyang ini-abot ang sapatos sa mga estudyante mula Kinder hanggang Grade 6.

“Gusto ko lang ulitin na kayo ang pinakamahalagang yaman ng lungsod,” sinabi ng Mayor. “Kaming mga opisyal ng lungsod, maging ang inyong mga teachers, ginagawa namin ang lahat para kayo ay maging malakas, malusog, at matalino.”

Ayon kay Mayor Erap, hangad niya na taas-noo ang mga bata habang naglalakad, kaya’t naghandog ang lokal na pamahalaan ng mga “Erap All-Stars” para suotin ng mga batang “superstar” ng Maynila.

“Matibay itong Erap All-Stars, parang kayo lang – matibay sa pag-aaral at pagsisikap. Alam kong sa takdang panahon, lahat kayo ay magbibigay ng karangalan sa ating lungsod,” sabi ng Mayor.

Iginiit ng Mayor na tama lang ang pagdating ng mga sapatos upang magamit ito sa mga school activities ng mga bata. Sa ibang mga okasyon, naghandog din ang lokal na pamahalaan ng educational cash assistance, school at PE uniforms, at iba pang mga kagamitan para sa mga estudyante ng lungsod.

Bago magpaalam, pinaalala niya sa mga estudyante, “Lahat kayo ay may papel para maibalik natin ang ningning ng Maynila, at kilalanin muli bilang Perlas ng Silangan.”