Mahigit 1,000 Manilenyo, binigyan ni Erap ng puhunan

Mahigit 1,000 mahihirap na Manilenyo ang nakatanggap ng tulong-pinansyal na nagkakakahalaga ng higit P5.54 milyon mula kay Mayor Joseph “Erap” Estrada bilang puhunan sa kanilang mga itatayong mga maliit na negosyo.

Sa isang simpleng seremonya sa City Hall, namahagi si Estrada ng tig-P5,000 sa bawat 1,109 residente, ang pinakahuling benipisaryo ng Capital Assistance Program (CAP) na tinatag niya noon pang 2013.

“With this small amount, we hope to help you establish your own source of income. Who knows? Maybe some of you will become truly successful businessmen someday,” pahayag ng alkalde sa mga benipisaryo.

Ang CAP ay isang livelihood initiative na nagpapahiram ng puhunan sa mga kwalipikadong Manilenyo na nais magtayo ng maliit na pagkakakitaan. Ang loan na ito ay maaaring bayaran ng mula anim hanggang 10 linggo na walang interes o collateral.

Ayon kay Estrada, pangarap niya na ang bawat mahihirap na Manilenyo ay matutong magsikap at tumayo sa kanilang sariling paa sa halip na habambuhay na lang umasa sa ayuda mula sa gobyerno.

Ang 1,109 na mga bagong benipisaryo ay mula sa anim na distrito ng lungsod at sa Baseco Compound sa Port Area, ayon kay Nanet Tanyag, hepe ng Manila Department of Social Welfare (MDSW).

Sa kapital na P5,000, maaaring magtayo ang mga benipisaryo ng maliliit na negosyo tulad ng sari-sari store, karinderya, barber shops, manicure-pedicure, at iba pa.

Isasailalim din sila sa business management seminar upang mapalawak pa ang kanilang kaalaman sa pagnenegosyo, dagdag pa ni Tanyag.

Maaari ring umutang sa CAP ang mga vendors bilang dagdag puhunan.

Noong Pebrero 2016, umabot sa 2,624 Manilenyo ang nakahiram ng puhunan sa CAP na nagkakahalaga ng P13.1 milyon. Nasundan pa ito ng 532 iba pa.

Nitong nakaraang Pebrero naman ay naglabas din si Estrada ng P607,000 pondo para sa 108 “second-timers” o iyong mga nakautang na noong isang taon ngunit nakabayad na nang buo.

(via | https://www.facebook.com/mayorjosephestrada)