Kauna-unahan sa Pilipinas: ‘World-Class Center para sa mga Bingot, Itatayo ni Erap

Itatayo ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ang kauna-unahang “world-class” medical center sa lungsod na magpopokus sa panggagamot at rehabilitasyon ng mga pasyenteng may bingot o cleft lip at cleft palate.

Kamakailan lang ay nagpulong si Estrada at Dr. William Magee, Jr., co-founder at chief executive officer na Operation Smile upang pag-usapan ang planong konstruksyon at operasyon ng naturang educational, research, at treatment facility sa lungsod ng Maynila.

“This is a big endeavor we are embarking on to help people born with cleft lips and cleft palate, especially here in Manila. We will help these ostracized people get back and become productive members of the society,” pahayag ni Estrada.

Partikular aniya siyang nahahabag sa mga batang pinanganak na may bingot na hindi nagkakaroon ng normal na buhay dahil sa kanilang kondisyon.

Ang Operation Smile ay isang international, volunteer-based medical charity na nagsasagawa ng libreng operasyon sa mga may bingot at iba pang facial deformities sa iba’t ibang bansa mula noong 1982. Nakabase ito sa Virginia, US.

Malaki ang pasasalamat ni Magee kay Estrada na aniya’y lubos na sumusuporta sa Operation Smile mula nang pangulo pa siya ng bansa.

“We hope to establish a center here in Manila that will really become a world-class educational center where people from all over the world will be coming to be educated and trained in taking care of children with cleft,” ani Magee.

Aniya, dadayo sa Pilipinas ang mga medical professionals tulad ng surgeons, speech therapists, psychologists, dentists, at orthodontics mula sa iba’t ibang bansa at hahasain ang kanilang kaalaman at magbibigay-serbisyo sa mga taong may bingot.

Ayon pa kay Magee, libu-libong pasyente ang libreng maooperahan taun-taon sa bansa sa pamamagitan ng nasabing pasilidad.

“Without surgery, they’re outcast. They can’t speak intelligibly, they’re shunned, and so they can never become productive citizens of the country,” sabi pa ni Magee.

Sa Metro Manila lang aniya ay may 5,000 hanggang 7,000 pang batang may bingot ang nangangailangan ng operasyon.

Nitong Pebrero lang ay pumirma si Estrada ng memorandum of agreement kasama ang Operation Smile Philippines (OSP) para sa gagawing “Gift of Smiles” program ngayong taon na naglalayong tulungan ang mga may bingot o harelip sa lungsod.

Sa ilalim ng kasunduan, ang OSP, sa pakikipagtulungan ng mga volunteer doctors at iba pang medical professionals, ay magsasagawa ng libreng screening, surgery, at post-surgery care sa mga pasyenteng ire-refer ng Manila Health Department (MHD).

Isasagawa ng OSP ang reconstructive surgeries sa Manila Cleft Care Center (MCCC) sa Sta. Ana Hospital na pinapatakbo ng pamahalaang lungsod. Ang MCCC ay isang treatment and surgery center para sa mga batang may cleft lip at cleft palate.

Ayon sa Department of Health (DOH), isa sa bawat 500 sanggol ang sinisilang na cleft-defective; umaabot naman sa 5,000 bagong kaso nito ang naitatala kada taon.

Ayon naman sa Philippine Birth Defect Registry, ang cleft lip at cleft palate ay isa sa sa top 12 birth defects sa bansa.

(via | https://www.facebook.com/mayorjosephestrada)