Erap gets NHA’s commitment to help informal settlers living in danger zones

Politics.com.ph| December 04, 2016

Sa hangarin na mabigyan ng maayos na pabahay ang libu-libong informal settlers sa Maynila, nakikipagtulungan si Mayor Joseph “Erap” Estrada sa National Housing Authority (NHA) upang asistihan ang libu-libong informal settler families (ISFs) na naninirahan sa mga tinatawag na danger zones.

Kamakailan lang ay nakipagpulong si Estrada kay NHA General Manager Marcelino Escalada upang talakayin ang kanilang gagawing aksyon upang mabigyan ng ayuda ang mga ISFs na naninirahan sa mga riles ng tren, ilog, mga creek, at tambakan ng basura.

“Pinangako ng NHA na bibigyan ng housing assistance ang mga informal settlers, lalo na ‘yung mga naninirahan sa mga tinatawag na danger zones,” ani Estrada.

Ayon pa kay Estrada, magtutulungan ang pamahalaang lungsod at ang NHA upang mabigyan ng mas maayos at ligtas na tahanan ang mga ISFs.

“Ang Maynila ang kapital ng bansa ngunit tayo ay may pinakamaraming informal settlers,” sabi ni Estrada. “Hangarin natin na mabigyan sila ng mas maayos na tahanan dahil karapatan ng bawat tao ang magkaroon ng disenteng matutuluyan.”

“Mga alagang aso nga ‘pag umaaraw at umuulan, sinisilong. Tao pa kaya,” dagdag pa niya.

Tiniyak naman ni Estrada na mahigpit na pinatutupad ng kanyang administrasyon ang “No relocation, No demolition” polisiya ni Pangulong Duterte kaugnay sa mga informal settlers.

Mula noong 2013 ay naialis ni Estrada sa mga danger zones ang 7,403 ISFs at 500 dito ang nai-relocate sa Bulacan, Cavite, and Laguna.

Sa ilalim ng kanyang Land for the Landless program, 257 pamilya na ang nabigyan niya ng lote habang 32 pa ang nabigyan ng bahay at lupa sa P44.5-milyong housing project sa Sitio Dubai sa Baseco Compound.

Ayon kay Estrada, halos kalahati ng dami ng informal settlers sa Metro Manila ay nasa Maynila. Umaabot na sa 2.8 milyon (556,526 pamilya) ang informal settlers sa Kamaynilaan noong 2010.

Sa bilang na ito ay 104,000 pamilya ang naninirahan sa mga danger zones, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Sa Maynila, pinakamarami ang ISFs sa 107 barangay na dinadaanan ng malalaking waterways tulad ng Pasig River, San Juan River, Estero de Maypajo, at Estero de Sunog Apog.