Bring back Manila’s old glory: Erap looks towards Solar City’s reclamation project

Politics.com.ph| December 08, 2016

Umaasa si Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada na maibabalik ng multi-bilyong Solar City project sa Manila Bay ang dating ganda at sigla ng lungsod.

Ayon kay Estrada, malapit nang magsimula ang Solar City reclamation project matapos iutos ni Pangulong Duterte na madaliin na ang konstruksyon ng nasabing bagong tourism, commercial at residential district sa Manila Bay.

Aniya, tinatapos na lang ng pamahalaang lungsod ang pagpo-proseso ng mga kinakailangang dokumento ng Manila Goldcoast Development Corp. (MGDC), ang kumpanyang nakakuha ng kontrata noon pang 1991.

“Makakapagbigay ito ng libu-libong trabaho at negosyo sa mga Manilenyo, bukod pa sa bilyun-bilyong kikitain ng pamahalaang lungsod sa buwis,” ani Estrada.

Taliwas sa sinasabi ng ilan na matatakpan ng Solar City ang sikat na sunset ng Manila Bay, nilinaw ni Estrada na hindi ito mangyayari dahil itatayo ito “perpendicular” sa baybayin ng Manila Bay.

Sa ilalim ng proyekto, tatlong isla na may sukat na 148 ektarya ang itatayo sa Manila Bay kung saan itatayo rin ang maraming business centers, residential at commercial properties, kabilang na ang isang international cruise ship terminal.

Gagamit din ng renewable energy ang Solar City at may makabagong waste management system.

Upang maiwasan ang trapiko, magtatayo ng mga dedicated walkways at monorail system sa loob ng Solar City, at magkakaroon din ng artificial beach.

“This will also be a big boost to our tourism industry, cementing our city’s place in the world map of most favored tourist destinations,” pagdidiin ni Estrada sa kanyang pangakong ibalik ang “old glory” ng Maynila.

Ayon kay Secretary to the Mayor Edward Serapio, nagbigay na ng “verbal go-signal” si Duterte sa naturang proyekto.

“The Manila Goldcoast project is almost near the finish line with issuances of letters of no objection from three different government agencies and area clearances from the DENR (Department of Environment and Natural Resources), and verbal go-signal from the Office of the President,” ani Serapio.