Anti-drug education program sa Maynila, palalakasin pa ni Erap; 27,000 pang mag-aaral sasailalim sa programa

Palalakasin at paiigtingan pa ni Mayor Joseph “Erap” Estrada ang Drug Abuse Resistance Education (DARE) program na nagtuturo sa mga batang mag-aaral kung paano iwasan ang impluwensiya ng droga.

Ayon kay Estrada, tinitarget nilang maturuan ang 27,000 mag-aaral na nasa Grade 5 at 6 ngayong 2016-2017 school year.

“Habang patuloy tayo sa pagtugis sa mga drug lords at pushers dito Maynila, ipagpapatuloy naman natin ang DARE sa mga paaralan. Dapat ay mailayo natin ang mga kabataan sa droga at ibang iligal na gawain at bisyo,” ani Estrada.

Mula sa US ay dinala ni Estrada ang DARE sa Pilipinas noong 1932 noong bise presidente siya at pinuno ng Presidential Anti-Crime Commission (PACC). Mula 2013 ay ipinapatupad na niya ito sa Maynila.

Tumatayong honorary chairman si Estrada ng DARE Philippines Association, Inc. at nitong Mayo nga ay nag-donate pa siya ng P10 milyong pondo dito.

Ang DARE ay isang international, classroom-based substance abuse prevention and education program na naglalayong turuan ang mga kabataan kung paano umiwas sa droga at sa mga bisyo. Pinapatupad ito sa 43 bansa sa buong mundo at 36 milyong kabataan na ang sumailalim dito.

Mga aktibong pulis ang nagsisilbing guro sa programang ito na pumupunta sa iba’t ibang paaralan para mag-leksyon sa mga mag-aaral. Karaniwang tumatagal ng tatlong buwan ang mga DARE lessons sa bawat paaralan.

Ngayong Agosto ay 16 pang miyembro ng Manila Police District (MPD) ang sasailalim sa 10-araw na DARE Officers Training (DOT) upang maging certified DARE officers, ayon kay Estrada.

Ang pagsasanay ay pangungunahan ng walong Amerikanong DARE officers sa pangunguna ni Scott Gilliam, isang retiradong pulis ng Los Angeles Police Department (LAPD) at kasalukuyang officer-in-charge ng DARE International.

Ayon kay Estrada, mainam din na mga pulis ang nagsisilbing guro upang maiwaksi ng mga kabataan ang masamang tingin nila sa mga alagad ng batas. Makakatulong din aniya ang karanasan ng mga pulis sa pakikipaglaban sa kriminalidad.

Sa patuloy na kampanya ni Estrada laban sa droga, nasa 20 na ang bilang ng mga drug pushers na napapatay ng MPD sa mga engkwentro. Umabot naman sa 3,160 drug users at 595 pushers ang sumuko na.

Samantala, nasa 1,472 drug pushers at users pa ang nasa watch list ng MPD, ayon kay MPD director Senior Supt. Joel Coronel.

Nauna nang binalaan ni Estrada ang mga opisyal ng barangay, pati na ang mga taga-city hall, na “may kalalagyan” sila kapag napatunayang sangkot sila sa droga. Ayon sa MPD, 10 incumbent barangay officials ang napatunayan nilang protektor at gumagamit ng droga.

(via | https://www.facebook.com/mayorjosephestrada)